Martes, Setyembre 15, 2009

Bagsik ng Batas Militar (Ikalawang Bahagi)



Agosto 21, 1971, pinasabugan ng granada ang rally ng Liberal Party sa Plaza Miranda. Siyam ang nasawi at daang tao ang nasugatan kabilang sina Jovito Salonga at Sergio Osmena III. Papunta pa lang noon si Ninoy Aquino sa rally kaya’t siya’y naakusahang kasabwat ng komunista sa pambobomba. Dahil sa nangyari, sinuspindi ni Marcos ang Writ of Habeas Corpus, ibig sabihin, kahit sino’y puwede ng dakpin at hindi na kailangang ihatid sa korte.

Marami pang pagsabog ang sumunod katulad ng pagbomba sa Joe’s Department Store. Layunin nito’y manakot at hindi pumatay. Naging suspek din sa Plaza Miranda bombing ang New Peoples Army. Ang NPA ay itinatag noong Dec. 26, 1968 ni Jose Maria Sison.

Bukod sa mga pagsabog na ito, namumuo rin ang kaguluhan sa tangkang pag-amyenda ng 1935 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention. Sa senaryong ito, habang pinapalitan ang sistema ng gobyerno, ang presidente ang may kontrol sa lehislatibo at ehikutibo, sa madaling salita ay kay Marcos.




Inilantad ni Ninoy Aquino ang detalye ng binabalak ni Marcos na isailalim ang Pilipinas sa kontrol ng militar na tinawag niyang “Oplan Sagittarius”, ang blueprint ng Martial Law. Alam ni Marcos na hindi na siya maaaring tumakbo sa pagka-presidente sa 1973 eleksyon kaya’t mayroon siyang binuong dalawang plano. Ang Plan A ay gawing Parliamentary ang istilo ng gobyerno mula sa Presidential at Plan B, ibaba ang Martial Law.

Sunod kay Marcos, ang kanyang Defense Secretary na si Juan Ponce Enrile ang pinaka- makapangyarihang opisyal ng gobyerno sa panahon ng Batas Militar. Kabilang siya sa 12 opisyal na tumulong kay Marcos sa sikretong pagpaplano nito. Sila ay mas kilala sa tawag na “Rolex 12”, dahil lahat sila’y nabiyayaan ng rolex na relo ni Marcos. Atin silang kilalanin;




1. Juan Ponce Enrile – Defense Secretary
2. Gen. Fabian Ver – Intelligence Chief at pinuno ng Presidential Security
3. Gen. Romeo Espino – Chief of Staff ng AFP
4. Gen. Fidel Ramos – Chief ng Philippine Constabulary
5. Gen. Rafael Zagala – Chief ng Philippine Army
6. Gen. Ignacio Paz – Chief ng Army Intelligence
7. Gen. Jose Rancudo – Chief ng Air Force
8. Gen. Tomas Diaz – miyembro ng Philippine Constabulary
9. Rear Admiral Hilario Ruiz – Chief ng Navy
10. Gen. Alfredo Montoya – Chief ng Metropolitan Command o MetroCom
11. Col. Romeo Gatan – Commander ng Constabulary sa Rizal province
12. Danding Cojuangco – Governor ng Tarlac at pinsan ni Cory Aquino

Setyembre 22, 1972, iniulat sa radio at telebisyon na tinambangan ang kotse ni Enrile. Ito ay ginamit upang bigyang hustisya ang gagawing pagdedeklera ng Batas Militar. Nguni’t ito’y gawa-gawa lamang. Inamin ito mismo ni Enrile, makalipas ang 14 na taon. Nguni’t bago pa siya umamin, ibinunyag na ito ni Primitivo Mijares. Sinabi niyang bago maganap ang pekeng ambush, tinawagan ni Marcos si Enrile at sinabing gawin na ang plano. “Make it look good”, wika ni Marcos. “Baka mas maganda na may masugatan at mamatay”. Nung gabing iyon, habang pauwi si Enrile, tinadtad ng bala ang kanyang sasakyan habang binabagtas ang Wack-Wack Subdivision. Sinabi niyang nakaligtas lamang siya dahil sa kotse ng kanyang bodyguard siya sumakay. Kinabukasan, lumabas si Marcos sa telebisyon at iprinoklama ang Martial Law.



Sa huling bahagi, ating alamin ang nangyari kay Primitivo Mijares at sa kanyang anak. Papasadahan natin ng kaunti si Gen. Fabian Ver at ang kontrobersya sa Hollywood starlet na si Dovie Beams. Huwag bibitiw.

1 komento:

  1. para lang di mo makalimutan: basahin ang aklat na 'Delusions of a Dictator' para sa isang perspektibo na hango mismo sa diary ni macoy.

    TumugonBurahin