Biyernes, Setyembre 18, 2009

Bagsik ng Batas Militar (Huling Bahagi)



Setyembre 23, 1972, magkakasabay na operasyon ng pulis at militar ang naganap. Hinuli ang mga pinaghihinalaang kaaway ni Marcos katulad ni Ninoy at Jose Diokno. Ito ay inilihim sa publiko. Sa radyo, wala kang maririnig kundi mga awitin. Tanging mga pamilya lamang ng mga biktima ang nakakaalam ng mga pangyayaring ito. Ipinasara ni Marcos ang Kongreso, mga opisina ng pahayagan, radyo at telebisyon. Isang nagngangalang Lim Seng ang ginamit na halimbawa upang patunayang seryoso ang gobyerno sa kanilang kampanya sa pagsugpo ng mga krimen. Sa utos ni Marcos, si Seng ay binaril sa pamamagitan ng firing squad.

Noong estudyante pa lang si Marcos, sumulat siya ng thesis tungkol sa diktadurya. Ngayon, “the thesis was put into practice”.

Sinasabing bago idineklara ang Martial Law, kumonsulta muna si Marcos kay U.S. President Richard Nixon. Alam niya na ang pamahalaang Amerika ay sumusuporta sa diktador upang mapangalagaan nito ang kanilang sariling interes.




Upang masiguro ang katapatan, binalasa ni Marcos ang hanay ng militar. Pinaboran ang kanyang mga kababayan sa Ilocos, katulad ni Gen. Fabian Ver. Kalalawigan at dati niyang driver, hindi raw matatawaran ang katapatan ni Ver kay Marcos. May biru-biruan na kung patatalunin ni Marcos sa building, sasagutin daw ito ni Ver ng, “from what floor, sir?”




Isa rin sa malapit kay Marcos ay itong si Primitivo Mijares, isang peryodista na naging pangunahing propagandista ng rehimeng militar. Labas masok siya noon sa opisina ni Marcos kahit walang appointment. Nguni’t nakaaway niya ang kapatid ni Imelda na si Kokoy Romualdez. Kumalas siya kay Marcos at tumakas patungong Amerika. Doon niya isinulat ang librong “The Conjugal Dictatorship”. Dito niya inilabas ang baho ni Marcos pati ang pambabae nito, kagaya ng napaulat na relasyon niya kay Dovie Beams. Si Beams ay isang starlet sa Hollywood na gumawa ng pelikula dito sa Pilipinas na pinamagatang “Maharlika”, pelikulang tungkol sa kabayanihan ni Marcos noong panahon ng giyera. Hindi raw binayaran si Beams kaya’t nagpatawag ito ng mga mamamahayag at ipinarinig ang pagniniig daw nila ni Marcos. Hindi nagtagal, nawala nalang bigla si Mijares. Nguni’t mas matindi ang nangyari sa anak niyang si Boyet. May tumawag sa kanya sa telepono at nagsabing buhay ang kanyang ama at gusto siyang makausap. Dalawang linggo ang nakalipas, natagpuan siyang patay. Binunot ang lahat ng kanyang kuko at may 33 saksak ng ice pick sa katawan. Ang malagim na istoryang ito ay hindi lumabas sa media dahil mahigpit ang kontrol dito ni Marcos.

Ayon sa grupong Amnesty International, 70,000 ang ikinulong, 34,000 ang tinorture at 3,200 ang pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Noong 1981, nahalal bilang bagong Pangulo ng Estados Unidos si Ronald Reagan. Nakatakda ring bumisita sa Pilipinas si Pope John Paul II. Dahil sa mga kaganapan na ito, napilitan si Marcos na tanggalin ang Martial Law.

Noong Agosto 21, 1983 ay anibersaryo ng Plaza Miranda bombing na naging hudyat ng pagsupil sa demokrasya, ang pagpatay kay Ninoy Aquino sa araw na ito ay naging hudyat naman ng wakas ng diktadurya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento