Martes, Hulyo 21, 2009

Paalam, Kaibigan

Gabi ng Lunes, Hulyo 20, ako’y nagulat sa mensaheng aking natanggap mula sa isang dating kasamahan. “Pare patay na raw si Ariel”? Napatayo ako sa aking pagkakahiga. Tinawagan ko ang ilan sa mga taong alam kong malalapit sa kanya kasama na ang kaniyang pamilya. Kumpirmado. Namaalam na ang isa sa aking matalik na kaibigan.

Mula ng matanggap ko ang masamang balita, gabi-gabi akong hirap matulog. Di makapaniwalang wala na si Ariel na sa murang edad ay kinuha na ng ating Dakilang Lumikha. Pero sino nga ba si Arielito Delos Santos? Ano ba ang naging papel niya sa aking buhay?

Taong 2002, buwan ng Agosto yata ‘yun ng una kong makilala si Ariel. Unang araw ng training naming noon para sa Surveillance Monitoring Staff (SUMS) Batch 2 ng Pagcor. Palibhasa’y karamihan sa mga kasama namin ay Pagcorian na, kaming mga galing labas ang nagsama-sama. Si Ariel ang una kong nakatabi at naging kasabay sa uwian. Nataon pa na ang kaniyang kasintahan ay taga-Malabon din kaya’t mas lalong naging malapit kami sa isa’t-isa. Nagkahiwalay kami ng branch sa deployment namin after ng training. Muli kaming nagkasama sa CF-Pavilion noong 2003. Madalas kaming magkasabay ng shift at madalas ding sabay sa pagkain, nguni’t hindi sa paninigarilyo. Masasabi kong medyo may pagka chain smoker din siya kaya’t madalas tamaan ng ubo. Marami kaming pinagsamahan sa Pavilion. Magaganda, pangit, nakakatuwang mga ala-ala ang naiwan namin dito. Muli kaming nagkahiwalay panandalian at muling nagkita sa CF-Silahis. Dahil itinuring ko na siyang tunay na kaibigan, pinili ko siyang maging abay sa aking kasal noong 2005. Ngunit isang mabigat na pagsubok ang hinarap niya noong 2006. Naoperahan siya sa puso sa Manila Doctors dahil sa pagbabara ng ugat nito. Dinalaw namin siya at matagal din bago siya naka- recover. Napilitan siyang mag-resign noong 2007 dahil pinili niyang manirahan sa ibang bansa kasama ang kaniyang maybahay na si Michelle. Kinuha ko siyang ninong sa binyag ng aking bunsong anak bago siya lumipad patungong Los Angeles. Doon ay biniyayaan sila ng kanilang unang supling. Mula noon ay hindi na kami nagkita. Nagbabalitaan na lang kami sa telepono, nag- chachat sa internet at nag-iiwan ng mensahe sa aming Friendster account. Huli kaming nag-usap bago ang Reunion Concert ng Eraserheads. Gusto niya akong isama bilang isa sa mga security ng venue nguni’t last minute ay hindi natuloy. Nag text pa kami noong Pasko noong isang taon at nangako siyang pupunta sa bahay. Hindi rin kami nagkita dahil hindi siya natuloy pumasyal ng Malabon.

Nakakalungkot lang isipin na napaka-bata pa ni Ariel para bawian ng buhay. Maliit pa ang kaniyang anak na hindi na niya malalaro pa. Ang mga pangarap nila ng kanyang asawa ay mag-isa na ngayong haharapin ni Michelle. Hangad ko na gabayan ng Diyos ang kaniyang pamilya gaya noong nabubuhay pa siya.

Paalam, Kaibigan. Salamat sa Ala-ala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento